Friday, January 1, 2010

Ang lihim ni makata

Labis akong nagtataka sa mga pangyayari sa aking buhay. Kay bilis ng oras at kay dami ang nangyari sa aking buhay noong 2009. Nagkataon lamang ba ang mga ito o sinadya talaga ni bathala ito? Kay raming tanong ang tila isang lihim para sa akin. At hanggang ngayon ay pilit kong hinahanap ang aking landas.

Bago ako umalis sa ibang lupalop, may ibinigay ang aking matalik na kaibigan. Isang kapirasong papel na may mga mahahalagang salita. Ito ay puno ng magagandang mensahe. Kaya naman hinanap ko ang librong "The Secret" ni Rhonda Bryne sa internet noong bumalik na ako sa ating lupang sinilangan. Habang hinahanap ko ang libro sa internet ay parang lalong lumalaki ang aking pagtataka. "Bakit ko nga ba gustong basahin ito?" ang aking tanong sa sarili. At nang nakita ko na ang libro ay labis kong ikinatuwa. Hindi ko maintindihan ang dahilan kung bakit ako nasiyahan sa paghahanap at dali-dali akong nagbasa. Binasa ko ang libro nang walang tigil at para bang may nasasabi sa akin na basahin ko ito at tapusin. Maraming kwento ang ibinahagi sa libro at mga mensahe na may ibig sabihin. Natapos ko ang libro na may saya sa aking mukha pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit ko hinanap at binasa ito. Marahil may dahilan ang pagbasa ko.

Pagkatapos kong basahin ang libro ay may mga pangyayaring hindi ko inaasahan. Ang paglapit ng mga gusto kong makuha. Noon ay hindi ako naniniwala na kapag inisip mo ang gusto mo ay makukuha mo pero nagkakamali pala ako. Totoo pala ito. Maniwala ka man o hindi. Hindi ako makapaniwala na nakuha ko ang mga gusto kong bagay pero may ilang bagay pa rin ang hindi ko pa nakakamit. Kaya naman gusto kong abutin ang mga ito. Siguro hindi pa lubos na nabubuksan ang aking isipan sa mga ilang bagay kaya hanggang ngayon ay wala pang nangyayari. Kung hindi ko man nakuha ito noong 2009, sana ngayong 2010 ay makamit ko ang ninanais ko.

Ang makata, bow. *-*
...Buhay ko ang pagsusulat ngunit kung ito'y mawawala ay wala na ring saysay ang buhay ko...